Loading...

Follow Sabi Nila | Filipino Horror Blog on Feedspot

Continue with Google
Continue with Facebook
or

Valid

(Ito po ay maiksing patikim ng aking maikling kwento na pinamagatang “Anonymous.” Mababasa na po siya sa Librong Itim Volume 7. Maraming salamat po at ako ay umaasa sa inyong suporta!)

“At sa susunod na balita, website ng Department of Interior and Local Government, na-hack at na-deface nang hindi pa nakikilalang hacker.”

Napangiti si Guile sa narinig mula sa isang maliit na telebisyon sa isang karinderya na nadaanan niya habang naglalakad pauwi galing eskuwela. Hinding-hindi nila malalaman kung sino ang nang-hack sa Website ng DILG.

Ako yata ang pinakamagaling na hacker dito sa `Pinas, naisip niya.

Bata pa lang ay nahilig na si Guile sa mga computer at mga gadget. Dahil na rin may kaya ang kanyang mga magulang, na madalas wala dahil busy sa trabaho, lumaki siyang halos nakatutok lang sa computer at nag-i-Internet. Marami siyang natutunang kung ano-ano, mula sa mga walang kakuwenta-kuwentang mga bagay hanggang sa mga ilang gawaing maaaring ituring na ilegal.

Ngunit ang pinakagusto ni Guile ay ang hacking. Sa kanyang pagbisita sa dark web at sa mga Internet Relay Chat o IRC, marami siyang nakilalang mga tao na masayang ibinabahagi ang kanilang nalalaman sa pangha-hack. Matalinong bata rin naman si Guile at sadyang nahilig sa computer programming kaya madali niyang natutunan ang iba’t ibang technique at paraan para mapasok ang ibang computer.

Isa sa mga paraang ginagamit ng binata ay ang pagpo-post sa Internet o social media ng mga nakakapukaw ng interes ng mga tao tulad ng mga malalaswa at maeskandalong mga litrato o video. Sa oras na i-click ng sinuman ang post niya, isang computer virus ang mada-download sa computer nang hindi nalalaman ng gumagamit.

Ang virus na iyon ang magsisilbing backdoor niya. Magagamit niya ang Internet connection ng computer na iyon, puwede niyang buksan ang webcam o microphone na nakakabit sa computer na iyon na hindi nalalaman ng may-ari, at pati na rin ang processing power. Lingid sa kaalaman ng may-ari, ang kanyang computer ay isa ng bot o computer na sunud-sunuran na lamang sa gusto ng hacker. Ang tanging mapapansin lang ng biktima ay bahagyang bumagal ang kanyang computer at
Internet connection.

Sa ngayon nga ay nasa daang-libo na ang mga bots sa botnet ni Guile, na kung tawagin niya ay ang kanyang zombie army. Noong nakaraang buwan lang ay ginamit niya ang mga computer sa kanyang botnet para magsagawa ng isang Distributed Denial of Service attack o DDOS sa ilang mga local government websites at websites ng mga media
at news company. Gamit ang libo-libong mga computers o bots na sabay-sabay na nag-access sa mga biktimang websites, ilang oras ding nag-down at hindi nabisita ang mga sites na iyon…

Read Full Article
  • Show original
  • .
  • Share
  • .
  • Favorite
  • .
  • Email
  • .
  • Add Tags 

Bawal Gumamit ng Calculator

ni Martin Tristan M. Carneo

Exam na naman sa Math. Siguradong sasakit na naman ang mga ulo namin. Pero wala naman kaming magagawa. Sanay na rin kaming lahat. Pag dating sa pag-mamaniobra ng mga numero sa isipan at sa papel, numero uno ang eskwelahan namin. Kahit gaano kalaking numero pa ‘yan, mapa-multiplication o division man, kayang-kaya naming lahat.

Kaya’t laking gulat ko nang makita si Alex na may kung anong bagay na dinudukot mula sa kanyang bag. Kahit hindi ko pa nakikita ay alam ko na kung ano iyon. Agad akong tumayo para pigilan siya.

“Alex, huwag kang guma-“

Natigilan si Alex at lumingon sa akin, ang isang kilay ay nakataas. Ngunit huli na ang babala ko. Sa kanyang kanang kamay ay hawak-hawak niya ang isang parihabang bagay na gawa sa kulay-abong plastik.

Isang calculator.

“Hindi!” bulalas ko sabay sabunot sa sarili kong buhok habang nakapikit.

Oo, bagong transfer lang si Alex at mag-iisang linggo pa lamang na pumapasok. Ngunit bakit hindi niya alam? Wala bang nagsabi sa kanya?

Sunud sunod kong narining ang boses ng aking mga kaklase. Malamang ay nakita na rin nila ang ginawa ni Alex. Muli akong dumilat at hinanap si Jessica, ang class president namin. Tungkulin niya na ipaliwanag sa mga transferees ang tungkol sa mga alituntunin ng eskwelahang ito. Mga alituntunin na hindi mababasa sa ‘student handbook’.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

“Jessica,” tawag ko.

Ipinaling niya ang kanyang tingin sa akin. Parang dalawang bilog na barya ang kanyang mga mata na mamasa-masa na, malapit nang tumulo ang mga luha. Umiling siya nang paulit-ulit, ang kanyang mahabang buhok ay tumitilamsik na parang may sariling buhay.

“N-Nakalimutan ko! Sorry,” sabi ni Jessica sabay hikbi. “Matagal na rin kasing hindi nangyayari ulit…”

Halos sabay-sabay na nagtayuan ang aking mga kaklase. Pati ang titser namin, Si Mr. Teng, ay nakalimutan nang may exam, ang kanyang upuan ay natumba na sa pagmamadaling makalabas. Ngunit nagsasayang lang sila ng pagod. Wala silang matatakbuhan.

Mabilis na nagsara ang pinto, ang kalabog nito ay halos nakakabingi. Sinubukan itong itulak ng mga nagkukumpulang estudyante ngunit halos hindi gumagalaw ang pinto. Marami sa kanila ang nag-iiyakan, sumisigaw ng tulong. Ang aming guro ay tumakbo patungo sa mga bintana ngunit agad din itong nagsara. Hindi ko alam kung balak bang tumalon ni Mr. Teng gayong nasa ikatlong palapag ang silid namin.

Naramdaman ko na basa na rin ang aking pisngi. Tumutulo na rin pala ang aking luha. Grade seven pa lang ako noong huling nangyari ito. Limang taon na rin ang nakalipas nang mayroong naglabas ng calculator dito sa eskwelahan namin. Pero kahit matagal-tagal na ring panahon ang lumipas, sariwa pa sa alaala ko ang mga nangyari noon. At ayoko na ulit iyong maranasan pa.

“Sino?” Nang marinig ko ang garalgal na boses mula sa aking likuran ay hindi ko na napigilan pang mapahagulgol. Ang mga kaklase ko naman ay nagsisigawan, ang ilan ay nagdarasal, at may ilang nawalan na ng ulirat. Si Mr. Teng naman ay parang kahoy na nanigas ang katawan, at nakita ko na basa na ang harapan ng kanyang pantalon.

“Sino ang gumagamit ng calculator?”

Dahan-dahan akong lumingon kahit alam ko na ang makikita ko. Limang taon na mula ng una ko siyang nakita. Limang taon ko nang kinukumbinsi ang aking sarili na masamang panaginip lamang ang mga nangyari noon. Ngunit totoo ang lahat sapagkat naririto na naman siya.

Isang babae ang nakatayo sa likuran ng aming classroom. Nakatungo siya at natatakpan ng kanyang mahabang buhok ang kanyang mukha. Madungis ang kanyang hitsura, parang gumulong sa putik. Hindi mo na nga malaman ang totoong kulay ng suot niyang bestida. Humakbang siya papalapit sa amin.

“Bawal ang gumamit ng calculator,” sabi ng babae, ang kanyang boses ay masakit sa pandinig, nakakangilo. Parang mga mahahabang kuko na ikinikiskis sa pisara.

Biglang nawalan ng lakas ang aking mga binti at napasalampak ako sa lapag. Gamit ang aking mga kamay ay pinilit kong makagalaw paatras. Natigilan na lamang ako nang maramdaman kong tumama ang aking likod sa mga binti ng mga kaklase kong nakatayo sa harapan ng silid.

“A-Ano bang nangyayari?” tanong ni Alex na nakaupo pa rin sa kanyang upuan. “S-Sino ang babaeng ‘yan?”

Walang sumagot sa kanya. Bagkus ay sinigawan pa siya ng aming mga kaklase.

“K-Kasalanan mo ‘to!”

“Bakit mo ginawa ‘yon, Alex?”

“Ang tanga-tanga mo naman!”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Biglang nalukot ang mukha ni Alex sa mga narinig. Lalo pa nang tumigil ang babaeng may mahabang buhok sa harapan niya.

“S-Sino ka? Anong kailangan mo sa’kin?”

Biglang sinakal ng babae si Alex.

“Calculator,” sabi nito habang pinipiga ang leeg ng kaklase ko. “Bawal gumamit ng calculator.” Pagkasabi nito ay ibinalibag ng babae si Alex sa pader.

Sinubukang makatayo ni Alex ngunit agad siyang sinunggaban ng babae. Itinulak siya nito pahiga at sinampahan sa baywang. Pagkatapos ay hinawi niya ang kanyang mahabang buhok.

“Hindi,” nasabi ko. Ayoko nang makitang muli ang mukhang iyon.

Isang malakas na sigaw ang pumuno sa aming silid-aralan. Sigaw ng isang lalaki. Sigaw na hindi mo mawari kung isa bang pagtangis o isang halakhak. Sigaw ng nagwawalang si Alex. Sapagkat sa kanyang harapan ay nakita niya sa unang pagkakataon ang hitsura ni Mam Lenny.

Maputla ang mukha ni Mam Lenny, na dating guro dito sa aming paaralan, parang pinulbusan sa sobrang puti. Puno ng sugat ang kanyang mukha, ang kanyang mga pisngi ay parang mapupunit sa dami ng mga sugat na parang hiwa ng kutsilyo. Ang kanyang mga mata ay kulay itim na lamang, at mula sa mga ito ay tumutulo ang kulay itim na luha. Nakanganga si Mam Lenny, ang kanyang bibig ay bukas na bukas na halos umaabot hanggang dibdib, dahilan upang lalong magbuka ang mga sugat niya sa pisngi. Ngunit nakanganga siya hindi dahil sa sumisigaw o may sinasabi siya. Nakanganga siya dahil hindi niya maisara ang kanyang bibig sapagkat limang calculator ang nakasubo sa kanya. Nakapasok ang mga calculator na halos dulo na lamang ang makikita mo sa kanyang bibig. Ang kanyang panga at lalamunan ay naghugis parang kahon na nga dahil sa mga ito.

“Hindi ba’t sinabi ko nang bawal ang calculator sa classroom ko?” sabi ni Mam Lenny. Hindi ko alam kung paano siya nakapagsasalita sa kalagayang iyon. Basta’t gumagalaw ang mga calculator na nakasalpak sa kanyang bibig.

Muling sumigaw si Alex. “Tulong! Tulungan niyo ako!”

Ngunit walang kumibo sa amin. Walang lumapit sa kanya upang tumulong. Alam naming lahat na wala kaming magagawa kundi ang maghintay.

“Ngayon, sumagot ka!” sabi ng dating guro. “Ano ang 2,450 times 55? Walang calculator!” Pagkatapos nito ay humalakhak siya, ang mga calculator sa kanyang bibig ay umaalog-alog.

Sa pagkakataon iyon ay sumakit ang aking ulo. At sa mga daing na naririnig ko mula sa aking mga kaklase ay alam kong sumasakit din ang kanilang ulo.
“Hindi!” sigaw ko. “Ayokong makita ulit! Diyos ko!”

Ngunit walang nagawa ang panalangin ko. Sa aking isipan ay muling nagpakita ang mga imaheng una kong nakita limang na taon na ang nakararaan.

Heto na naman sila. Hindi ba’t sinabihan ko na sila noon na bawal gumamit ng calculator. Dapat ay hindi sila umaasa sa mga ganyan. Dapat nilang matutunan ang magkwenta sa isipan lamang.

“Jerome, bakit may calculator kang gamit?” sigaw ko. “Hindi ba’t sinabi ko nang bawal gumamit ng calculator?”

“Eh, Mam Lenny, pwede naman daw gumamit ng calculator sa subject na ‘to. Tinanong namin si Sir Teng sabi niya pwede naman daw. ‘Yung ibang mga section gumagamit sila ng calculator kapag exam.”

Aba’t sumasagot pa ang loko!

“Bakit?” sigaw kong muli. “Si Sir Teng ba ang titser niyo? Ako ang titser niyo kaya’t ako ang masusunod. Star section kayo kaya’t huwag kayong gumaya sa mga lower sections! Huwag kayong gumamit ng calculator!”

“Ano? Iiyak ka na lang ba diyan?” sabi ni Mam Lenny na nakaupo pa rin sa ibabaw ni Alex. “Bibilang ako ng sampu tapos ibigay mo ang sagot. Ano ang 2,450 times 55?”

“A-Alex,” tawag ko sa kanya, “s-sagutin mo siya. Pilitin mo-“

Hindi ko naituloy ang aking sasabihin sapagkat muling sumakit ang aking ulo.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

“J-Jerome! Bitiwan mo ako! Patrick!” Nagpupumiglas ako ngunit mas malakas sila sa akin, mas marami. Sinubukan ko silang suntukin, sipain, kalmutin, ngunit hinawakan lamang nila ang mga kamay at binti ko.

“Huwag kang maingay, mam. Kung ayaw mong masaktan,” sabi ni Jerome nang nakangisi.

“Saan niyo ‘ko dadalhin?” Iginala ko ang aking tingin, pilit na inaaninag kung anong lugar ang nasa labas ng van.

“Huwag ka nang masyadong maraming tanong!”

Isang matigas na bagay ang tumama sa aking tiyan. Hindi ako makahinga. Hindi ako makagalaw sa sakit. Ayokong mawalan ng malay ngunit nagdidilim na ang aking paningin.

Diyos ko po…

“Isa,” nagsimulang magbilang si Mam Lenny.

Hinawakan ko ang aking tiyan. Damang-dama ko ang sakit mula sa mga imaheng nakikita ko sa aking isipan. Kahit na halos hindi ako makahinga ay pinilit kong tumayo.

“Alex! Alex, makinig ka!”

Mukhang nakuha ko ang atensyon ni Alex dahil tumigil siya sa pagsigaw.

“Alex! Sagutin mo ang tanong niya! ‘Yun lang ang tanging paraan!”

“A-Ano ba ang pinagsasabi mo!” sigaw niya sabay hagulgol. Hindi ko rin naman siya masisisi. Malamang ay ganoon din ang magiging reaksyon ko kung ako ang nasa kalagayan niya.

“Basta, subukan mo! Subukan mong sagutin ang tanong niya!”

“Dalawa…”

Muli na namang nagdilim ang aking isip.

Sumigaw ako ng sumigaw. Hindi ko na matatagalan pa ito. Binaboy nila ako. Sinaktan, hinampas ng kahoy, pinaso ng sigarilyo, at hiniwa-hiwa nila ang aking pisngi. Mga animal sila!

“Patayin niyo na ako! Parang awa niyo na, patayin niyo na ako!”
“Teka lang, hindi mo pa nga sinasagot ang tanong ko, eh! Ano ang 1,334 times 443? Sige na, sagutin mo na, mam. Walang calculator, ah!”

Nagtawanan silang lahat.

“Sinabi nang hindi ko alam!” sigaw ko.

“Wrong answer!” Muli, hiniwa nila ang aking pisngi.

“Parang awa niyo na!” muli kong pagmamakaawa.

“Ang ingay-ingay naman niyan! Ayaw magpagamit ng calculator tapos siya hindi makasagot sa mga tanong natin. Mabuti pa, patahimikin mo na ‘yan!”

Isang kamay ang tumakip sa aking bibig na agad kong kinagat. Napamura ang nagmamay-ari ng kamay at isang sampal naman ang aking natanggap.

“Heto! Heto kasi ang gamitin mo!”

“Uy, maganda ‘yan!”

“Apat…”

“Alex! Kaya mo ‘yan! Sagutin mo na ang tanong niya,” muli kong tawag sa lalaki ngunit parang hindi niya ako naririnig. Umiiyak pa rin siya.

Magagaspang na kamay ang humawak sa aking bibig. Pilit nila akong pinanganganga. Ipinihit ko ang aking ulo upang umiwas ngunit lalo lamang silang naging marahas. Hanggang sa mapanganga nila ako at naramdaman ko na lamang na isang matigas na bagay ang ipinapasok nila sa bibig ko. Napadilat ako at nakita na isang calculator ang isinusubo nila sa akin. Ibinabaon nila iyon sa aking bibig, na halos nararamdaman ko na sa aking lalamunan. Nasusuka ako ngunit lalo lamang nilang ibinaon ang calculator.

“Heto pa ang isa. Maluwag pa, eh!”

Sinubukan kong sumigaw, magpumiglas, ngunit halos wala na akong lakas. Muli, pilit nilang isinubo ang bagay na iyon sa aking bibig. Hindi na ako makahinga. Nagdidilim na ang aking paningin.

“Heto pa! Marami pa!”

“Walo…”

“Siyam…” Itinaas ni Mam Lenny ang kanyang dalawang kamay, parang nagbubunyi.

“Alex!” muli kong sigaw.

“T-Teka! Alam ko na!” biglang sabi ni Alex. “Ang sagot, ang sagot ay 134,750!”

Natigilan si Mam Lenny, para bang tumigil ang kanyang oras. Hindi ko alam kung gaano siya katagal na ganoon. Nabasag na lamang ang katahimikan nang bigla siyang humalakhak.

“Ayoko sa calculator,” sabi niya. Pagkatapos ay bigla na lamang siyang naglaho.

Pagapang kong nilapitan si Alex na nakahiga pa rin sa sahig.

“B-Buti na lang nasagot mo siya. Kung hindi…” Hindi ko na naituloy pa ang aking sasabihin. Ayoko nang bumalik sa aking isipan kung ano ang mangyayari kapag hindi nasagot ang tanong ni Mam Lenny. Sapat na ang makita ko iyon ng isang beses.

Kinabukasan, hindi na pumasok pa si Alex. Nabalitaan na lamang namin kay Mr. Teng na nag-transfer na raw ito sa ibang school.

Dito sa aming eskwelahan, numero uno kami pagdating sa Mathematics. Pero hindi dahil sa matatalino kami. Wala na kasi kaming magagawa. Sapagkat dito sa aming eskwelahan, bawal gumamit ng calculator.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

*NOTE: Pa-activity ito ng isang writing group na sinalihan ko sa Facebook. Ang theme ay calculator. Ang hirap pala gawing horror ang calculator!

Read Full Article
  • Show original
  • .
  • Share
  • .
  • Favorite
  • .
  • Email
  • .
  • Add Tags 
Sabi Nila | Filipino Horror Blog by Martin Tristan - 1M ago

Makakaupo Pa

ni Tristan Martin

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Uwian na naman. Pahirapan na naman sa pagsakay pauwi.

“Maluwag pa,” sigaw ng konduktor na nakasuot ng puting polo. “Makakaupo pa.”

Nagtakbuhan ang mga tao. Siyempre, kasama na ako doon. Nagbulag-bulagan na lamang ako at nagkunwaring walang nakikitang babae o matanda sa likuran ko at ginamit ang aking katawan para harangan ang pintuan upang mauna ako. Pagkaakyat, dumiretso ako sa gitna kung saan may mga bakante pang upuan. Pabagsak akong naupo at umusog sa tabi ng bintana nang may ngiti sa aking mga labi.

Sunud-sunod ang mga tao sa pag-akyat sa bus, lahat umaasang makakaupo at magiging kumportable ang kanilang biyahe pauwi.

“Diretso lang kayo sa loob. Makakaupo pa kayo,” sabi ng matandang konduktor sa mga pasaherong nakatayo sa harapan ng bus.

Nang makaupo na ang lahat, saka lamang kami umandar. Nagsimula na ring mag-ticket ang konduktor. Nakailang tigil pa ang bus upang makapagsakay ng mga pasahero. Ako nama’y bahagyang nakaidlip, ang aking ulo’y nakasandal sa salaming bintana.

Bigla akong naalimpungatan nang magpreno ang bus, dahilan upang ako’y muntikang mahulog sa aking kinauupuan.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

“Ano ba ‘yan?” bulalas ng isang babae sa aking likuran.

Sumilip ako sa bintana at nakitang madilim na pala. Medyo maluwang ang kalsada, at mangilan-ngilang sasakyan lamang ang dumadaan, nilalagpasan ang bus namin. Ilang segundo rin bago ko namukhaan ang lugar kung nasaan kami.

“Sakay na, miss,” narinig kong sabi ng konduktor. “Makakaupo pa kayo.”

Iginilid ko ang aking ulo at sinilip ang unahan ng bus mula sa bintana. Nakita kong nakatayo ang konduktor sa tapat ng pintuan, kumakampay ang isang kamay sa ere, itinuturo ang loob ng bus. Nakatingin naman sa kanya ang isang babae na nakatayo sa ilalim ng isang puno, na sa pakiwari ko ay puno ng mangga. Madilim sa labas dahil walang street lights ngunit naaaninag ko pa rin naman ang hitsura ng babae. Mahaba ang kanyang buhok at maputi ang kanyang balat. Medyo makapal ang kolorete sa kanyang mukha at maiksi ang suot niyang bestidang itim.

“Saan po ba kayo?” nakangiting tanong ng konduktor. Nanlalaki ang kanyang mga mata at parang kumikinang-kinang ang kanyang mga ngipin.

Lumingon ang babae at sinilip ang loob ng bus.

“Maluwag pa po, miss!”

Para namang hindi nakumbinsi ang dalaga, walang anumang pagbabago sa kanyang magandang mukha. Muli niyang ibinalik ang tingin sa konduktor, ni hindi gumalaw sa kanyang kinatatayuan. Umiling-iling lamang ang kanyang ulo.

“Makakaupo ka pa,” pag-uulit ng konduktor. Humakbang na siya palapit sa kausap at itinaas ang kaliwang kamay. Hinawakan niya ang likurang bahagi ng balikat ng babae at iginiya ito patungo sa pintuan ng bus. Wala nang nagawa ang dalaga kundi ang pumanhik sa loob. Isang malakas na buga ng hangin ang aking narinig at nagsara ang pinto ng bus.

Nakatayo lamang ang babae sa harapan, pinagmamasdan ang mga pasaherong nakaupo.

“Pasok po kayo, mam. Sa dulo po meron pang upuan.”

Humakbang ang dalaga, isa, dalawa, tatlo, ngunit tumigil din kaagad. Wala nang bakanteng upuan.

“Walang nang mauupuan, manong,” sabi ng babae. Maliit ang kanyang boses, malumanay ngunit malinaw sa pandinig.

“Ha?” sagot ng konduktor. Lumapit ang matanda at tumayo sa likuran ng babae. Tumingkayad siya upang makita ang likuran ng bus. Napakamot siya ng ulo.

“Naku, wala na pala.”

“Ang sabi mo, makakaupo pa ako,” sabi ng babae. Nakaharap pa rin siya sa mga pasahero.

“Merong bababa diyan, hintayin mo na lang,” sagot ng konduktor sabay talikod at naglakad pabalik sa tabi ng drayber.

“Ang sabi mo, makakaupo pa ako!” pag-uulit ng babae, ang kanyang boses ay tumaas nang bahagya.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Lumingon ang konduktor sa dalaga. Sumilip naman ang drayber sa kanyang rear-view mirror.

“Meron ngang bababa diyan malapit lang. Makakaupo ka rin, huwag kang mag-alala.” Ngumiti ang konduktor at umiling-iling.

Biglang tumalikod ang babae at hinarap ang matandang lalaki. “Sinungaling ka!”

Napaigtad ang konduktor at biglang namula ang kanyang mukha. “Hay naku! Pare-pareho lang tayong gustong makauwi. Kaya, pasensya na lang kayo. Tiis-tiis na lang muna! Kung ayaw niyo, bumaba kayo!”

Hindi sumagot ang babae. Sa palagay ko ay nakatitig lamang siya sa konduktor, na mukhang nagpapatay-malisya na lamang. Ako nama’y muling pumikit at sinubukang umidlip muli.

Ngunit hindi ako makatulog. May naririnig kasi akong bumubulong. Boses ng isang babae. Dumilat ako at luminga-linga. Hindi naman ako nahirapang hanapin ang pinanggagalingan nito. Sa gitna ng bus, mag-isa pa ring nakatayo ang babae.

“Sinungaling. Sinungaling. Sinungaling. Sinungaling. Sinungaling.”

Paulit-ulit na ibinubulong ito ng babae. Tiningnan ko ang ibang mga pasahero kung napansin din ba nila ito ngunit natutulog ang karamihan sa kanila. Ang lalaki namang katabi ko sa upuan, na mukhang isang high school student, ay nagkibit-balikat na lamang nang magkatinginan kami. Pagkatapos, bumalik na siya sa paglalaro sa kanyang cellphone.

Muli kong tiningnan ang babae. Halos hindi pa rin siya gumagalaw sa kanyang pwesto simula nang pumikit ako kanina. Nakaharap pa rin siya sa konduktor at paulit-ulit na sinasabi ang isang salitang iyon.

Hindi pa siya gumagalaw? pagtataka ko.

Biglang nanlaki ang aking mga mata at naramdaman kong bumilis ang pagtibok ng aking puso. Bigla ring nanlamig ang buo kong katawan gayong hindi naman nakatapat sa akin ang aircon.

Imposible, sigaw ko sa aking isipan.

Hindi gumagalaw ang babae sa kanyang kinatatayuan. Mabilis ang takbo ng bus, may nadaraanang mga lubak, at minsa’y nagpapa-ekis-ekis sa kalsada, o kaya’y biglang magpre-preno. Kaya’t paanong hindi gumagalaw ang babae gayong hindi naman siya nakahawak sa bakal na hawakan sa kisame, o kaya’y sa mga upuan? Nasa kanyang magkabilang tagiliran lamang ang kanyang dalawang kamay.

Biglang nagbago ang boses ng babae.

“Sinungaling! SinungaLING! SinuNGALING! Sinungaling! SINUNGALING! SINUNGALING!”

Palakas nang palakas ang kanyang sigaw. Paiba-iba rin ang tono ng kanyang boses, minsa’y mababa pagkatapos ay biglang titinis na halos nakapangingilo na ito. Tinakpan ko ang aking mga tenga dahil hindi ko matagalan ang kanyang boses.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Nagising na rin sa wakas ang iba pang mga pasahero.

“A-Anong nangyayari?” tanong ng isa.

“Anong problema ni ate?”

“Paupuin niyo na nga ‘yan! Ang ingay-ingay!”

Biglang namatay ang lahat ng ilaw sa loob ng bus. Napasigaw ang ilan sa mga pasahero. Lumingon ako sa bintana at napatigalgal sa aking nakita. Walang kahit na anong bagay sa labas, tila ba namatay din ang lahat ng ilaw. Walang mga tao, bahay, o mga sasakyan sa kalsada. Tanging ang bus lamang na sinasakyan namin.

Muling bumalik ang ilaw ngunit wala na ang babae sa gitna ng bus. Nakatayo na ito sa harapan ng matandang konduktor. Nakangiwi ang lalaki at nakahawak sa kanyang dibdib, parang inaatake sa puso.

“Sinungaling ka!” sabi ng babae. Dinig na dinig sa loob ng bus ang kanyang boses, parang naka-mikropono. “Hindi mo ba alam kung gaano na ako katagal na nakatayo sa ilalim ng punong iyon? Hindi mo ba alam kung gaano katagal na akong naghihintay? Pagkatapos, sasabihin mo sa akin na, sa wakas, makakaupo na rin ako?”

Hindi na malinaw sa aking isipan ang mga sumunod na pangyayari. Sa pakiwari ko kasi, biglang nagbago ang anyo ng babae. Naging kulu-kulubot ang kanyang magandang mukha. Naging pulos puti ang kanyang mahabang buhok, na unti-unting nalagas hanggang sa maging kalbo na siya. Bumaluktot ang kanyang katawan tulad ng sa isang kuba. Ang mga daliri sa kanyang mga kamay ay humaba at nagkaroon ng matutulis na kuko. Pagkatapos, sa isang iglap, muli siyang bumalik sa normal niyang hitsura.

Sumigaw ang matandang konduktor nang dakmain ng babae ang kanyang leeg.

“Sinungaling ka! Hindi naman pala ako makakaupo! Sinungaling kayong lahat! Puro kayo mapanamantala! Galit na galit ako sa inyo! Sa inyong mga lalaki!”

Tumili ang babae at ibinalibag ang matanda sa pinto ng bus. Bumagsak ang konduktor na parang lantang gulay sa hagdanan.

Nagsimulang magpagewang-gewang ang bus. Hindi na nakatingin ang drayber sa kalsada. Nakatitig na lamang ang kanyang nanlalaking mga mata sa babae. Nagsisigawan na ang mga pasahero at may naririnig pa akong nagdarasal. Nakakapit naman ako nang mahigpit sa sandalan ng upuan na nasa aking harapan.

“Tulong! Tulong!”

Sinilip ko kung ano na ang nangyayari sa unahan ng bus.

Nakita ko ang babae, nakahawak ang kanyang dalawang kamay sa kanyang mukha. Sumisigaw siya. Umiiyak.

Nakita ko ang drayber na pilit na binubuksan ang bintana sa kanyang gilid, sinusubukang makatakas.

Nakita ko ang sementong pader at sinubukang balaan ang drayber ngunit huli na. Isang malakas na tunog ang aking narinig nang salpukin namin ang pader, at pagkatapos, wala na akong nakita.

Nagising na lamang ako na nakahiga sa isang stretcher. Pinilit kong tumayo ngunit pinigilan ako ng mga medic na tumitingin sa akin. Ipinaling ko ang aking ulo upang makita kung nasaan na ako. Sa aking kanan, nakita ko ang bus, durog na durog ang unahan nito.

Bigla kong naramdaman ang matinding sakit sa aking buong katawan. Nakaramdam ako ng pagkahilo. Dahan-dahang pumipikit ang aking mga mata. Ngunit bago ako mawalan ng malay, nakita ko, sa loob ng bus, sa bandang likuran, isang babaeng nakaitim na bestida ang nakaupo sa tabi ng bintana.

Sa wakas, nakaupo na rin siya.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Read Full Article
  • Show original
  • .
  • Share
  • .
  • Favorite
  • .
  • Email
  • .
  • Add Tags 

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

“Ang weird talaga ng mga tao, ano?” sabi ko habang napapailing.

“Gumagawa sila ng mga bagay na kalokohan lang, walang sense, at minsan nga ay delikado pa para lamang mapansin, ma-like, at mapusuan ng ibang tao.”

“Ako rin, gusto ko lang namang mapansin, ma-like, at mapusuan mo,” bulong ko sa babaeng nakatali ngayon sa isang upuan sa aking harapan, umiiyak, ang bibig ay nakabusal.

______________________________

“Kapag lumingon ka, akin ka!”

Hindi siya nakinig, akala’y nagbibiro ako.

Kaya heto, naririto na siya ngayon sa aking tahanan, habang-buhay na matutulog sa loob ng aking aparador.

______________________________

“Nagbabagang balita, mga ka-puso!
Isang bulalakaw diumano ang tatama ngayong gabi sa ating plane—”
— Signal Lost —

_________________________________

“Hindi ako nagpagpag!

“Bakit hindi ako nakinig at hindi nagpagpag?!”

Ito ang nakasulat sa isang kapirasong papel sa bulsa ng isang babaeng natagpuang patay sa loob ng kanyang apartment.

_________________________________

Pinatay ko silang lahat, ang kanilang mga bangkay ay nakahilera sa paanan ng kama ng aking naghihingalong amain.

Nang makita niya ang aking ginawa, ngumiti siya, inabot sa akin ang isang kulay itim na bagay, at biglang nalagutan ng hininga.

Oo, ginawa ko ang lahat ng ito. Para sa librong itim.

______________________________________

“Kung may pagkakataon na mayakap ka at masabi ko na mahal kita, ama,” walang emosyong kanta ng isang batang namamalimos sa bus.

Habang ang ibang tao ay hindi pinapansin ang bata, ako naman ay parang hindi makahinga sapagkat kamukhang-kamukha niya ang aking anak na pumanaw dalawang taon na ang nakararaan.

“Awiting ‘to ay alay ko sa’yo. M-Ma-Maha… na… m-maha… na…” Hindi maituloy ng bata ang pagkanta, ang kanyang mga mata ay nanlilisik na nakatitig sa akin.

__________________________________

Naghahanap ako ng MATABA, MABILBIL, at OVERWEIGHT. Papatayin ko.

Este, papapayatin ko pala.

PM me NOW!

_____________________________________

“Hay, naku! Alam mo ba ‘yang si Joan, takot na takot sa aparador niya noong bata pa siya,” kwento ng nanay ko sa aking bagong boyfriend.

“Mayroon daw kasing lalaking nakatira sa aparador niya!” dugtong pa ni inay sabay tawa. “Teka, iho, saan ka nga ba ulit nauwi?”

Matamis na ngiti ang ibinigay ng aking mahal. “Sa aparador… este, sa apartment po.”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Read Full Article
  • Show original
  • .
  • Share
  • .
  • Favorite
  • .
  • Email
  • .
  • Add Tags 

Matagal-tagal na rin akong nagsusulat at marami-rami na rin ang mga kuwentong naibahagi ko dito sa blog ko, sa Wattpad, at sa Facebook. Pero lahat ng mga akda ko ay puro Tagalog. Kaya’t naisipan ko na siguro ay panahon na upang magsulat naman ng mga horror stories sa wikang Ingles. Kung tutuusin, ang mga paborito kong horror novels ay mga English novels. And napakarami ko na ring mga nabasang English novels, hindi lang mga horror. May mystery, detective stories, fantasy, science fiction, romance, and non-fiction.

Hindi naman sa nagmamalaki ako ngunit marunong naman akong mag-English (lalo na kapag nagco-comment sa mga Facebook posts!!! :D). Hindi ko palang talaga nasusubukang magsulat ng isang kuwentong horror sa wikeng Ingles. Nakapagsulat na naman ako ng ilang mga essays ngunit wala pa talagang fiction. Medyo mahirap din talaga kasi magsulat lalo na’t ang setting, characters, at theme, ay Filipino pa rin. May mga nabasa na akong mga Pinoy horror stories in English, and aaminin ko, kaunti lamang ang nagustuhan ko. Maganda naman ang story, pero parang iba talaga ang tunog, pakiramdam, at flow kapag Pinoy ang nagsulat. Madalas kasi sa mga nababasa ko, parang malalalim na salita pa ang ginagamit nila. Para tuloy nakakabasag ng suspension of disbelief. Hindi katulad sa mga popular horror novels (hindi ‘yung mga literary novels, ah), talagang very simple language ang ginagamit. Hindi wordy, at hindi masyadong mabulaklak. Ewan ko kung ako lang ang ganito.

So, tingnan natin. Sana ay makapagsulat ako ng mga English horror stories (may publisher kasi na interested na mag-publish ng mga stories ko in English).

Oo nga pala! Baka meron kayong recommendations na magandang basahing horror novel or short story written by Pinoys. Kahit sa Wattpad or sa mga blog lang.

Thanks!

Read Full Article
  • Show original
  • .
  • Share
  • .
  • Favorite
  • .
  • Email
  • .
  • Add Tags 

*Kuwentong pang-Valentines!

Kailan Nagiging “Annoying” ang “Loving”?
ni Tristan Martin

“Oh, babe. Kanina ka pa naglalaro diyan, ah.”

Hindi ko na nilingon pa ang girlfriend ko at baka mamatay lang ako sa ML. Medyo natatalo na kami salamat sa mga bano kong kakampi.

“Anong gusto mong ulam, babe?”

“Babe, nakita mo ba ‘yung post ni Emilyn?”

“Wala na palang toyo, babe. Bumili ka naman, oh.”

“Aaaahhhh!” sigaw ko. Ayan na nga, natalo na naman kami.

“Okay ka lang, babe?”

Humarap ako sa aking mahal na girlfriend at ngumiti. “Ayos lang, babe. Sige, bibili muna ako.”

“Thank you, babe. Love you!”

Tatlong taon na kaming nagsasama ng girlfriend ko. Marami nga ang nagtatanong kung bakit hindi pa kami nagpapakasal. Pero hindi naman ganoon kasimple ang magpakasal, ‘di ba? Saka, ayos naman ang sitwasyon namin ngayon, komportable naman kaming dalawa sa ganitong set-up. At siyempre, isang malaking gastos din kapag nagpakasal kami.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Pero mayroon akong isang lihim na dahilan kung bakit ayaw ko pa talagang magpakasal sa kanya. Oo, mahal na mahal ko ang girlfriend ko. Loyal at faithful ako sa kanya. Kahit isang beses ay hindi ko nagawa o naisip man lang na lokohin siya. Para sa akin, siya ang nag-iisa at siyang magiging ina ng aking mga anak.

Ngunit bakit ganoon? Parang nagiging nakakainis na siya. Hindi ko alam kung kailan nagsimula ang pakiramdam na ito. Ang dati-rating pangungumusta niya sa akin, ang pagtatanong niya kung kumain na ba ako, ang kuwentuhan namin sa gabi hanggang madaling-araw, lahat ng mga bagay na ito na nagdulot sa akin ng matinding kasiyahan at kilig, bakit ngayon ay nakakainis at nakakairita na lamang? Dati-rati ay sabay pa kami mag-browse ng Facebook ko, pinagtatawanan ang mga posts sa feed ko, binabasa ang mga messages sa akin, at tinitingnan ang lahat ng nag-fe-friend request sa akin. Pero ngayon ay ayokong-ayokong nakikibasa siya sa Facebook ko. Siyempre, hinahayaan ko pa rin siya. Wala naman akong dapat itago.

Dati ay gustung-gusto ko siyang pakinggan kapag nagkukuwento siya. Ang sarap pakinggan ng tawa niya. Pero ngayon, naiingayan na lang ako sa kanya. Minsan tuloy ay naiisip ko, paano kung sampalin ko kaya siya para matahimik? Siyempre, hinding-hindi ko gagawin ‘yun! Sa imagination ko lang.

Hindi ko alam kung bakit pero parang nasasakal ako sa mga bagay na dati na naman naming ginagawa. Kailan ba at paano nagiging “annoying” ang “loving”?

Oo, nagi-guilty ako sa nararamdaman ko. Mahal ko siya pero naiinis din ako sa kanya. Samantalang siya, ang sweet-sweet pa rin niya sa akin. Hindi pa rin nababawasan ang pagmamahal niya sa akin.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

“Hetong sukli,” sabi ng tindera sabay abot ng kaunting barya.

Pagkabili ng toyo ay agad din akong bumalik sa bahay. Nais ko sanang makabawi sa ML.

“Salamat, babe!” bati sa akin ng aking girlfriend. “Oo nga pala, nag-text si Aldwin. Laro daw kayo ng basketball.”

Agad na napangiwi ako sa kanyang sinabi. Buti na lamang at nakatalikod siya sa akin, naghihiwa ng sibuyas. Hindi ko siya pinagbabawalan pero naiinis talaga ako kapag pinapakialaman niya ang cellphone ko.

“Ah, sige, babe,” tugon ko.

Hindi ko alam kung anong pumasok sa akin pero bigla kong itinaas ang dalawa kong kamay. Itinapat ko ang mga ito sa kanyang batok. Sa isipan ko ay pinipiga ng aking dalawang kamay ang kanyang makinis na leeg.

Agad din akong natauhan at naupo sa sofa. Hinding-hindi ko gagawin iyon sa kanya. Sa imagination ko lang ‘yun.

Buti na lang at may ML na mapagkakaabalahan. Sa pagkakataong ito, mukhang mananalo na rin kami.

Bigla akong nakarinig ng mahinang kaluskos sa aking likuran. Lumingon ako at natulala sa aking nakita.

Nakatayo sa likuran ko ang aking girlfriend. Parang nilukumos na papel ang kanyang mukha. Halos salubong na ang kanyang mga kilay at nakabuka ang kanyang bibig na parang mangangagat. Nakataas ang kanyang kanang kamay, hawak-hawak ang kutsilyong ginagamit niya kanina lamang. Nakatutok ito sa aking likod.

“B-Babe,” bulong ko.

Sa isang iglap ay nakangiti na ang aking girlfriend, maganda na siyang muli. Mabilis niyang itinago ang dalawa niyang kamay sa kanyang likuran.

“Babe,” sabi niya. “Hindi ko naman talaga gagawin. Sa imagination ko lang ‘yun.”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Read Full Article
  • Show original
  • .
  • Share
  • .
  • Favorite
  • .
  • Email
  • .
  • Add Tags 

(Note: Isa na naman po ito sa mga naisulat ko na hindi naman talaga horror story although may temang horror. Share ko lang sana)

Hindi na Nakakatakot ang mga Horror Movies
ni Tristan Martin
10/29/2018 7:30PM

Ako? Mahilig akong manood ng mga horror movies!

Pero bakit ganoon? Bakit hindi na nakakatakot ang mga horror movies? Kung dati-rati’y hindi ko kayang manood ng horror nang mag-isa, palagi akong pumipikit at nagtatakip ng mga mata, at nagtatago pa nga sa likuran mo kapag mayroong mga eksenang katatakutan, bakit ngayon ay parang wala na lang? Parang hindi na bumibilis ang tibok ng aking puso kapag ang bida ay nasa isang madilim na lugar, hindi na ako nagugulat sa mga malalakas na tunog at biglaang panggulat, hindi na ako kinikilabutan kapag nakakita ng nakakatakot na multo, halimaw, o duguang mga katawan. Hindi na rin ako nahihirapang matulog sa gabi pagkatapos manood ng isang nakakatakot na pelikula.

Oo, naalala ko pa nga. Madalas tayong manood ng mga pelikulang nakakatakot kapag dis-oras na nang gabi. Tahimik na ang buong paligid, wala ng ingay sa kalsada. Pinapatay pa natin ang ilaw para mas lalo nating maramdaman ang kaba, habang nginangata natin ang mga sitsiryang binili natin sa tindahan. Lagi tayong magkatabi sa sofang malambot at mahaba, para madali tayong sumiksik at yumakap sa isa’t isa kapag nandiyan na ang mga nakakatakot na tagpo. Madalas ay sabay pa tayong nagugulat, napapaigtad tayo sa ating kinauupuan at napapatadyak sa malamig na hangin. Sabay tayong tatawa, mag-aasaran kung sino sa atin ang mas natakot, ang mas nagulat. Pagkatapos ay muling magdidikit ang ating katawan, kampante na kahit nakakatakot ang palabas ay nasa tabi natin ang isa’t isa.

Hindi ko na nga alam kung ilang pelikulang nakakatakot ang napanood natin. Mapa-Hollywood, Japanese, Korean, Thailand, Chinese, Tagalog, at kung anu-ano pa. Marami tayong nagustuhan, marami tayong pinagtawanan. Maraming mga istoryang magulo, hindi natin naintindihan, pinag-usapan at pinagdebatihan. May mga pelikula tayong inulit-ulit, may mga pelikulang nalimot na. Marami tayong naging paborito. Marami ang nagdulot sa atin ng takot at kaba.

Hindi ko alam na pati pala ang takot na dala ng mga horror movies ay may hangganan din.

Nanood ako noong isang araw ng isang sikat na horror. Ngunit ibang-iba na. Hindi na ako natakot. Hindi na ako kinabahan. Hindi na ako pumikit o nagtakip ng aking mga mata. Hindi na rin ako nagtago sa likuran mo.

Mag-isa na lang kasi akong nanood. Wala ka na sa aking tabi.

Hindi naman pala nakakatakot manood ng horror nang mag-isa. Hindi naman pala nakakakaba ang mga eksena kung saan hinahabol ang bida ng isang malupit na multo o mamatay tao. Hindi naman pala nakakagulat kapag may biglang sumulpot na kamay o mukha sa harapan ng camera.

Hindi na nakakatakot ang mga horror movies dahil naranasan ko na ang pinakakinatatakutan ko.

Ang mawala ka.

Ako? Hindi ako mahilig manood ng horror movies…

Read Full Article
  • Show original
  • .
  • Share
  • .
  • Favorite
  • .
  • Email
  • .
  • Add Tags 

(Note: Baka isipin niyo na puro horror stories ang sinusulat ko. Meron din namang iba. Marami puro kalokohan lang. Heto nga pala ang isa sa mga tulang isinulat ko. Hindi po talaga ako nagsusulat ng tula kaya pagpasensyahan niyo na. Share ko lang sa inyo. Medyo matagal ko na din itong naisulat.)

BAKIT MAS MARAMI ANG SUMUSULAT NG TULA KUMPARA SA MGA NAGBABASA NITO
ni Martin Tristan M. Carneo
March 9, 2017 12:47PM

“Ba’t mas marami ang sumusulat ng tula
kumpara sa mga nagbabasa nito?”
Ito ang tanong ni Mike Enriquez sa madla
bago tawagin si Howie Severino.

“Kapusong Mike, totoo nga ang sinabi mo
Sa ngayon ay paunti ng paunti na,
ang nagbabasa ng tula kumpara mo
sa sumusulat ng mga tugmang talata.
Pero ngayon nga ay naririto ako,
dito sa Police Station ng Muntinlupa
dahil nasa kustodiya ang isang tao
na s’yang dahilan nitong malaking hiwaga.”

“Superintendent! Ako’y may katanungan.
Totoo bang hawak niyo na ang lalaki,
na siyang may kagagawan at dahilan
ng krisis at problema ng ating lahi?”

Umubo ang pulis na kalbo at ngumiti.
“Ah, Howie. Tama nga ang iyong sinabi.
Kaninang alas-onse ay aming nahuli,
habang nag-aabang doon sa LRT.
Ang lalaking ito na siyang puno’t sanhi
ng agam-agam at takot na ating lipi.

“S’ya ang matagal na naming hinahanap.
Ang lalaki na sa atin ay nagpahirap.
Ang lalaking dahilan ng biglang pagkawala
ng mga taong mahilig magbasa ng tula.”

“Superintendent! Superintendent!”
bulalas ng isang correspondent.
“Pwede ba niyong sabihin sa amin
ang krimeng nagawa nitong salarin?”

“Ayon sa aming masusing interrogation,”
sagot ng pulis, ang mukha’y walang emosyon,
“ang lalaking ito na nagngangalang Solomon
ay dumudukot ng maraming tao taon-taon,
pinahirapan, pinaslang, at sa ilog ay itinapon.

“Pinaslang niya ang mga taong mahilig magbasa ng tula
kaya sa ngayon mas marami ang nagsusulat ng talata.
Unti-unti na palang nauubos, naglalaho, nawawala
ang mga taong sumusuporta sa ating mga makata.”

“Ngunit Superintendent, ano ang kanyang motibo?”
tanong ng kapusong si Howie Severino.

Muling naubo ang pulis, at humarap sa mga camera,
ang mukha ay seryoso, nanlilisik ang mga mata.
Parang artista na ang script ay sinaulo na
ay kanyang inilahad ang malupit na trahedya.

“Ang lalaking ito sa mga tula ay namuhi
noong siya pa lamang ay isang batang munti.
Isang mapait na sakit ang siyang naging sanhi
siya’y naging malupit, maitim ang budhi.”

Doon sa may Pasig, doon siya nag-elementarya
kasama ng mga batang umiidolo ng mga makata
Ngunit isang araw sumiklab ang isang trahedya
na nagbago sa puso ng munti’t musmos na bata.

Sa kanilang klase na English siya ay pinatayo
ng kanyang matandang maestra na malapad ang noo.
Tinanong siya nito, galit ang boses at tono.
“Ang salitang tula, sa ingles ay ano?”

Tumayo si Solomon ng may ngiti sa kanyang labi.
ang kanyang maliit na boses ay parang isang tili.
“Aking mahal na guro, ang salitang tula,
sa ingles ay PO-wEM!” Ang lahat ay natulala.

“Saang bundok ka ba galing?” bulalas ng guro.
Ingles lang ng tula ay di mo mapagtanto.
Ang tamang sagot hindi PO-wEM, malinaw po?
Kundi PO-uM! PO-uM!” sigaw niya sabay upo.

“Ang kawawang batang iyon ay malabis na pinagtawanan
ng mga kamag-aral na wala rin namang alam.
Sa kasamaang palad, na-trauma si Solomon
Isinumpa ang araw na iyon sa ating poon.

“Simula noon ay nagalit na siya sa mga tula
at ninais na ang mga likhang ito’y tuluyang mawala.
Ang paraang naiisip niya para mga tula ay pigilin,
ang mga mambabasa’t tumatangkilik ay kitilin.

“Sa ngayon nga ay hindi natin mapagtanto
kung ilang buhay na ang nasayang, naglaho.
Dahil lamang sa pagkahilig magbasa ng mga tula
ang kanilang buhay ay naputol, nawala.

Iginala ng pulis ang kanyang mga mata,
ang lahat ay tahimik at parang natulala
sa narinig nilang istoryang pambihira.
Ang oras ay tumigil, naglaho ng mistula.

“Kung gayon, Superintendent,” sabat ni Howie Severino
“ang mga mambabasa ng mga tula ay ligtas ng totoo.
Wala na at nahuli ang may kagagawan ng lahat nito.
Pwede ko ng ipagsigawan, masugid na mambabasa ng tula ako!”

“Tama ka, Howie,” sagot ng pulis sabay tango.
Ang kanyang boses ay matigas, parang isang bato.
“Lahat ng mga mambabasa ng tula, di na dapat magtago.
Upang muling dumami, yumabong ng todo.”

“Ngayon nga ay nalutas na itong napakalaking hiwaga,
ba’t mas marami ang sumusulat kaysa bumabasa ng tula.
Ngunit magbabago na ito, wala ng takot ang madla.
Mga tula ay maaari ng basahin ng maayos at malaya.”

###

“Ako po si Mike Enriquez, magandang gabi sa madla.
Narito na po ang mainit na ulo ng mga balita.
Solomon na killer ng mga mababasa ng tula
nakatakas sa selda, pumuga, nakalaya.

“Samantala po, nawawala ang ating mahal na kapuso
ang walang katulad na si Howie Severino
baka may nakakita sa kanya, ipaalam kaagad dito.
Sana naman ay hindi siya, ehem.. excuse me po!”

(Note: Pagpasensyahan niyo na po ito. Hindi po talaga ako masyado sumusulat ng tula. Dati lang kapag may project sa school. Isa po talaga itong short story ngunit mas naisip ko na mas maganda siguro ang epekto nito kung sa tula ko siya isasalaysay. Talagang nahirapan po ako at ilang buwan ko din ito bago natapos. Alam ko pong maraming mali sa tulang ito at parang pilit, sana po ay pagpasensyahan niyo na.)

(Another note: Yung tungkol po sa pronunciation ng salitang poem, true story po iyon. Nangyari po iyon sa classmate ko. Sinabihan ng teacher namin na mali daw ang “po-wem”, ang tama daw p ayo “po-um.” Nung high school naman ako sabi ng English teacher ko “pohm” daw ang tamang pronunciation.)

Read Full Article
  • Show original
  • .
  • Share
  • .
  • Favorite
  • .
  • Email
  • .
  • Add Tags 
Sabi Nila | Filipino Horror Blog by Martin Tristan - 5M ago

Dummy Account
ni Tristan Martin

“Oh, pards! Napadaan ka?” bati ni Roy sa kaibigan. Tinapik niya sa balikat si Julius at pinatuloy sa kanyang bahay. “Upo ka muna.”
“Hindi na, pards,” sagot ni Julius. “Napadaan lang naman ako. Hihiramin ko lang sana ‘yung libro ng kuya mo sa Computer Programming.”
Dahan-dahang pumalakpak si Roy habang nanlalaki ang mga matang nakatingin sa kaibigan. “Grabe ka na talaga, pards! Dati, puro Facebook at Internet lang ang inaatupag mo. Ngayon, sobrang subsob ka na sa pag-aaral. Ano ba? May sakit ka ba?”
Tumawa lamang si Julius. “Wala! Saka gan’un pa rin naman ako, no. Talagang mahilig lang ako sa computer at ngayon nga, nahihilig ako sa programming. Kaya nga Computer Science ang kinuha ko, eh.”
Umiling-iling si Roy at pinagmasdan ang kaibigan. Malaki na ang ipinagbago nito simula nang makatungtong ng kolehiyo. Maayos na ito manamit at lagi nang nakasuklay ang kanyang may kahabaan ding itim na buhok. Mas lumiwanag na rin ang hitsura nito at nabawasan ang mga tighiyawat sa mukha. Medyo hindi na rin ito palamura, malamang na naimpluwensyahan ng mga kaklase niyang mahilig ding mag-aral. At higit sa lahat, madalang na niya itong nakikita sa computer shop sa may kanto na dati-rati’y halos araw-araw nilang pinagtatambayan.


“Dati, nauubos ang oras natin sa pag-do-DOTA,” sabi ni Roy. “Saka, ‘di ba nang-to-troll pa tayo noon. Ano nang nangyari sa mga dummy accounts mo? Nagbago ka na talaga, pards.”
Napangiti si Julius sa sinabi ng kausap. Naalala niya na isa sa mga paborito niyang gawin sa Internet ay ang mang-bash at mang-troll sa mga post ng ibang tao. Gamit ang kanyang mga dummy accounts, at sa tulong ng kanyang mga iba pang kaibigan (na may dummy accounts din), marami silang mga taong ginalit at pinahiya sa social media. Hindi naman nila balak na makipag-debate o makipag-argumento. Gusto lamang nilang manlait, manglibak, at pag-initin ang ulo ng mga netizens.
Mga bobo! Magpakamatay ka na! Sabi ng nanay mo sana pina-abort ka na lang niya!
Ilan lang ito sa madalas na mga comments ni Julius sa mga posts ng biktima niya. May ilang beses na rin siyang napaaway sa Facebook (na wala namang epekto sa kanyang personal na buhay), na-kick sa mga groups, at na-report ang kanyang account. Ngunit sadyang napakadali namang gumawa ng bagong dummy account. Naalala niya na ang pinakamadalas niyang gamitin ay ang account niyang si Super God Goku, kung saan ang profile picture niya ay si Son Goku na kulay pula ang buhok.
Ngunit nang pumasok sa kolehiyo, biglang na-engganyo siya sa mga nakita niyang makabagong teknolohiya. Mas masaya pala ang gumawa ng mga bagong applications imbes na maging isang simpleng gumagamit lamang nito. Simula noon ay halos ginugol ng binata ang lahat ng kanyang libreng oras sa pag-po-program.
“Ano ka ba?” sagot ni Julius. “Ang kulit mo, ah! Ako pa rin ‘to. Mahilig pa rin ako sa computer at Internet. Pero ngayon, gumagawa na ako ng mga programs at websites. Ikaw kamo ang dapat mag-bago! Mag-aral ka kayang mabuti!”
Napuno ang salas nila Roy ng tawanan ng magkaibigan. Ilang minuto pa silang nagkuwentuhan hanggang sa dumating ang kuya ni Roy na dating nag-aral ng Computer Science ngunit nag-shift na sa Fine Arts. Pagkakuha ng hinihiram na libro ay tumuloy na rin si Julius upang umuwi at tapusin ang kanyang ginagawang program para sa mini-thesis niya. Medyo madilim na rin ang kalangitan kaya’t binilisan niya ang kanyang lakad.
“Hoy!”
Isang boses ang narinig niya mula sa kanyang likuran. Lumingon siya ngunit hindi tumigil sa paglalakad. Wala naman siyang nakitang ibang tao.
“Hoy! Bobo!”
Napakunot ang noo ni Julius sa narinig. Sino ba ‘yun? Hindi naman siguro ako ang tinatawag noon, ‘di ba?
Nagpatuloy lamang siya sa paglalakad hanggang sa marating ang kanto kung nasaan ang computer shop na dati’y tambayan niya. Katulad ng dati ay maraming mga tao ang nasa loob, karamihan ay mga bata. Dinig na dinig niya ang sigawan ng mga naglalaro, ang kanilang asaran at laitan. Napangiti lamang siya at lumiko pakanan.
“Hoy sabi, eh! Hindi ka na namamansin ngayon, ah!”
Hindi na napigilan ng binata na lumingon. Hindi niya inaasahan ang kanyang nakita.
Sa kanto kung saan kadadaan lamang niya ay may isang lalaking nakatayo na wala naman doon kani-kanina lamang. Nakasuot ito ng orange na T-shirt, orange na pantalon, at naka-tsinelas lamang. Ngunit ang nakapagpatigil sa paglalakad ni Julius ay dahil ang lalaki ay nakasuot ng isang maskara, ‘yung tipong nabibili lamang sa palengke o sa tabi-tabi ng mga eskwelahan. Gawa lamang ito sa isang pirasong karton at may dalawang goma sa magkabilang gilid na nakasabit sa tenga ng lalaki.
Ang suot ng lalaki ay isang maskara ng mukha ni Son Goku. Kulay pula ang buhok nito sa drawing, ibig sabihin ay naka Super Saiyan God Form siya. Bahagyang napangiti si Julius sa nakikita. Hindi niya alam kung ano ang iisipin. Malayo pa naman ang Halloween. Mukha ring katawa-tawa ang lalaki dahil hindi na ito bata. Sa tantiya ni Julius ay magkasing-tangkad sila ng lalaki, at malamang ay magkasing-edad. Kaya hindi niya maisip kung bakit nakasuot ito ng maskara.
Nagulat si Julius ng biglang magmura ang lalaking naka-maskara. “Ano ba ‘yan, boy? Mukha kang propesor niyan, eh. May dala-dala ka pang libro, ang laki-laki pa! Ang baduy mo, boy!” Pagkatapos ay tumawa ang lalaki habang hawak-hawak ang tiyan.
Kanina ay hindi sigurado si Julius kung siya ba ang tinatawag ng lalaki, pero ngayon ay sigurado na siya. Kung dati ay siguradong susugurin na niya ang lalaki, ngayon ay napagdesisyunan na lamang niyang huwag itong pansinin. Tinalikuran niya ito at ipinagpatuloy ang paglalakad pauwi.
Pagdating sa susunod na kanto ay bahagyang lumingon si Julius. Wala na ang lalaking nakasuot ng maskara sa kanto. Nagkibit-balikat na lamang siya at naglakad nang muli.
“Wala ka talagang kwenta! Kala mo naman kung sinong matalino. Bakla ka siguro, ano!”
Boses iyon ng lalaking nakamaskara. Halos madapa si Julius nang magkabuhol ang kanyang mga paa. Galing lang kasi sa likuran niya ang boses, naramdaman niya sa kanyang kaliwang tenga ang hininga ng nagsalita.
Agad na tumalikod ang binata at hinarap ang lalaking nanglalait sa kanya.
“Sino ka ba?” pasigaw na tanong ni Julius.
Muling tumawa ang naka-maskarang lalaki. “Huwag mong sabihing hindi mo ako kilala.”
Sinipat mabuti ni Julius ang lalaki, ang kanyang mga mata ay naniningkit dahil madilim na. Mayroong mga street lights pero hindi naman ito nakabukas, mukhang pundido nang lahat. Tiningnan niya ang lalaki mula ulo hanggang paa subalit hindi niya malaman kung sino ito. Ngunit sa loob-loob niya, parang pamilyar ang tindig ng lalaki.
“Sino-“
“Talagang hindi mo ako kilala? Grabe ka, boy! Hindi pa ba obvious? Ako si Son Goku. Si Super God Goku!”
Parang may dumaloy na kuryente sa katawan ni Julius at napahakbang siya paatras.
S-Super God Goku? naisip niya. Teka, ‘yun ‘yung isa sa mga dummy accounts ko, ah. Hindi kaya…
Mabilis na umiling ang binata. Imposibleng may makatunton sa kanya gamit lamang ang isang dummy account na may katagalan na ring hindi niya ginagamit. Tanging ang ilang mga kaibigan lamang niya ang nakakaalam sa dummy account niyang iyon.
“Ikaw…”
“Oo, ako nga! Si Super God Goku!” sagot ng lalaking naka-maskara at nagtatatalon.
Muling kumunot ang noo ni Julius ngunit sa pagkakataong ito ay dahil sa galit.
“Hoy! Sino ang nag-utos sa’yo na gawin ‘to?” sigaw ni Julius. “Si Roy ba? Si Mark? Naku! Kayo, ha! Ginu-good time niyo ko, ah!”
Lumingon-lingon ang binata sa kanyang paligid, inaasahan na lalabas ang kanyang mga kaibigan na pinagtatawanan siya. Ngunit wala siyang ibang taong nakita maliban sa isang taong grasang natutulog sa tapat ng isang bakanteng lote.
“Si Roy ang may pakana nito, ano?” pagpapatuloy ni Julius na ngayon ay nakangiti na. “Kaya pala kanina kung anu-ano ang sinasabi sa akin. I-pa-prank niyo pala ako. Bine-video-han niyo ‘to, ano? Huwag niyong ipo-post sa Facebook ‘to, ah!”
Wala pa ring sumagot sa mga sinabi ng binata.
“Tapos ka na ba?” kalmadong tanong ng lalaking nakamaskara. Pagkatapos ay naglabas ito ng isang malaking kutsilyo mula sa kanyang likuran.
Napaatras si Julius sa nakita. “T-Teka, hindi na magandang biro ito, ah. Tigilan niyo na, ‘to.”
“Sino bang nagsabing nabibiro ako?” tanong ng lalaki habang iwinawagayway ang hawak na kutsilyo sa kanyang harapan. “Ang tagal kitang hinanap-“
Hindi na naghintay pa si Julius at kumaripas na siya ng takbo. Hindi na niya napansin na nabitawan na pala niya ang hiniram niyang libro. Basta’t ang alam niya ay kailangan niyang makalayo mula sa lalaking iyon.
Pagdating sa bahay ay agad niyang ini-lock ang pinto. Wala pa ang kanyang mga magulang, traysikel drayber ang kanyang tatay at nagta-trabaho naman sa munisipyo ang kanyang nanay, kaya’t siya lamang ang tao sa kanilang bahay. Mabilis siyang pumanhik sa ikalawang palapag at pumasok sa kanyang kwarto. Pabagsak siyang napaupo sa kanyang magulong kama.
Ano ba ‘yun? Bakit may dala siyang kutsilyo? Gusto ba niya akong…
TING!
Naputol ang iniisip ni Julius nang tumunog ang speaker ng kanyang laptop. Iniwan niya itong nakabukas kanina noong umalis siya. Lumapit siya sa kanyang maliit na study table at naupo sa plastic na upuan. Sa kanyang harapan ay bukas ang kanyang Facebook account. Meron siyang isang message request.
Galing kay Super God Goku.
“Imposible,” bulong ng binata. Hindi niya maintindihan kung paano siya napadalhan ng message gamit ang kanyang sariling dummy account. Ni hindi na nga niya maalala ang password ng account niyang iyon.
Nanginginig ang kamay ay binuksan niya ang mensahe gamit ang mouse pad sa kanyang laptop.
Super God Goku
Akala mo ba na makakatakas ka? Akala mo ba na pwede mo na lang akong itapon kapag ayaw mo na?
Accept Decline
Kahit binabasa na niya ay hindi pa rin makapaniwala si Julius sa mensaheng natanggap.
Hindi! Nananaginip lang ako!
Itinutok ni Julius ang mouse pointer sa Decline button ngunit hindi ito sumunod sa kanya. Bagkus ay gumalaw ang mouse pointer patungo sa Accept at na-click itong bigla.
Muling tumunog ang laptop ng binata. Sa kanyang monitor ay may isa pang mensaheng sumulpot.
Hindi ka nananaginip! Lahat ng ito ay totoo. Akala mo ba ay walang kapalit ang mga dating ginawa mo?
Napasigaw si Julius at napatayo. Pakiramdam niya ay parang isang drum ang kanyang puso sa lakas at bilis ng tibok nito.
Marami na tayong pinagdaanan, isang mensahe na naman ang kanyang natanggap.
Marami ka nang ibinigay na oras sa akin. Marami na akong enerhiyang natanggap mula sa’yo. Tapos, bigla mo akong iiwan. Hindi ko matatanggap ‘yun!
Sunud-sunod ang pagtunog ng laptop ni Julius, na sa pakiwari niya ay palakas pa nang palakas. Itinakip niya ang kanyang mga kamay sa kanyang tenga dahil nabibingi na siya. Sumigaw siya nang sumigaw ngunit hindi na niya naririnig ang sarili niyang boses.
Sa kanyang laptop, patuloy pa rin ang pagpasok ng mga mensahe.
Ako ay ikaw! Ikaw ay ako!
Ako ay ikaw! Ikaw ay ako!
Ako ay ikaw! Ikaw ay ako!
Ako ay ikaw! Ikaw ay ako!
Ako ay ikaw! Ikaw ay ako!
Biglang tumigil ang pagtunog ng kanyang laptop. Kasabay nito ay namatay ang monitor nito na para bang nawalan ng kuryente.
Tumigil sa pagsigaw si Julius, humihingal. Dahan-dahan niyang tinanggal ang pagkakatakip ng kanyang mga palad sa kanyang mga tenga. Pagkatapos ay lumapit siya sa kanyang laptop. Pinindot niya ang space bar at muling bumukas ang kanyang monitor.
Naka-log-out na ang kanyang Facebook account.
Isang malamig na braso ang yumapos sa leeg ni Julius.
“Hindi lang ako isang dummy account,” sabi ng lalaking naka-maskara ng Son Goku na ngayon ay nakayapos sa kanya sa kanyang likuran. Pagkatapos ay itinutok nito ang malaking kutsilyo sa mukha ni Julius.
Hindi na nakasigaw pa ang binata.
###
“Oh, pards! Napadaan-“
Hindi na naituloy pa ni Roy ang kanyang pagbati. Sa tapat ng kanilang gate ay nakatayo ang kanyang kaibigang si Julius, kumakaway sa kanya.
Lumapit sa kanya si Julius. “Pwede bang pumasok?”
Wala nang nagawa pa si Roy kundi ang tumango. Tuluy-tuloy lamang si Julius sa loob ng bahay ng kaibigan at naupo sa malambot na sofa.
Hindi makapaniwala si Roy sa kanyang nakikita. Oo, halos isang linggo na ang nakalilipas mula nang huli silang magkita ngunit nagtataka siya kung bakit napakalaki ng ipinagbago ni Julius. Hindi maiwasan ni Roy na mapangiwi.
Ang buhok ni Julius ay pinakulayan niya ng pula. Naka-tayo itong lahat, na mukhang pinatigas ng sandamakmak na gel. Nakasuot din ito ng kulay orange na T-shirt at orange na pantalon.
“Pards, bakit ganyan ang hitsura mo?”
Tumawa nang malakas si Julius. “Ah, wala lang. Naisipan ko lang magbago ng image. Ayos naman, ‘di ba?”
Aasarin sana ni Roy ang kaibigan ngunit parang may nakita siyang kakaiba sa mata ng binata. Parang nakakatakot.
“A-Ah, o-oo. Ayos nga. Kakaiba.” Walang nagawa si Roy kundi ang makitawa.
“Oo nga pala,” biglang sabi ni Julius. “Pwede bang maki-Internet saglit dito. Sira ‘yung laptop ko, eh. Wala pa rin akong allowance ngayon. May i-che-check lang akong importante.”
“H-Ha? Internet?” gulat na sabi ni Roy. “Sige, ayun. Bukas ‘yan.” Itinuro niya ang isang computer sa ibabaw ng isang table sa tabi ng T.V.
“Salamat!” Mabilis na tumayo si Julius at naupo sa harapan ng computer. Ginalaw nito ang mouse at nagbukas naman ang monitor nito.
“Hoy, naka-login nga pala ako diyan,” sabi ni Roy. “I-logout mo na lang, ha.”
“Sure!” nakangiting sagot ni Julius.
Ngunit hindi ni-logout ng binata ang Facebook account ni Roy. Bagkus ay binuksan pa niya ang messages nito at nakitang may isang message request ang kaibigan. Agad niya itong binuksan.
Super God Goku
Roy! Ako ‘to si Julius! Hindi ko alam kung anong nangyari sa akin! Hindi ko alam kung nasaan ako. Madilim dito. Madilim.
‘Yung ako, hindi na ako. Hindi na…
Hindi ko alam kung paano ako napunta dito. Hindi ko maalala. Wala na akong masyadong maalala.
Basta! ‘Yung dummy account mo! Tama, ‘yung dummy account mo, i-delete mo na! Yung account mo na Papa P.
Bago pa… bago pa…

Accept Decline
Lalong lumawak ang ngiti ni Julius. Matapos basahin ang mensahe ay agad niyang pinindot ang Decline button.
“Pards, tingnan mo, oh,” biglang sabi ni Roy.
Nilingon ni Julius ang kanyang kaibigan na nakatingin sa labas ng kanilang pinto.
“Tingnan mo, oh,” pag-uulit ni Roy habang nakaturo sa pintuan. “May lalaking nakatayo sa tapat ng gate. Naka-maskarang karton. Mukha pa talaga ni Piolo Pascual!”
“Si Papa Piolo?” tanong ni Julius.
Malakas na tumawa si Roy. “Grabe, mukhang tanga!”
Lumapit si Julius sa kaibigan at inakbayan ito.
“Bakit hindi mo lapitan?”

Read Full Article
  • Show original
  • .
  • Share
  • .
  • Favorite
  • .
  • Email
  • .
  • Add Tags 

Separate tags by commas
To access this feature, please upgrade your account.
Start your free month
Free Preview